MAHIGPIT na binalaan ni Senador Bam Aquino ang lahat ng kinauukulan sa sektor ng edukasyon laban sa pagkurot sa pondong nakalaan para sa private school voucher program.
Sa isang pahayag, sinabi ni Aquino na dapat patawan ng mas mabigat na parusa ang mga indibidwal at paaralan na umaabuso sa pondo ng pamahalaan sa ilalim ng naturang programa.
Ginawa ni Aquino ang panawagan matapos ibunyag ng isang opisyal ng Private Education Assistance Committee (PEAC) na may mga pribadong paaralan na may provisional permit ang gumagamit ng ghost students para makinabang sa Senior High School (SHS) voucher program.
Sa pagdinig ng Committee on Basic Education, na kanyang pinamumunuan, kaugnay ng mga panukalang gawing mas moderno at palakasin ang suporta ng pamahalaan sa pribadong basic education, sinabi ni Aquino na dapat isama sa committee report ang hiwalay at mas mataas na parusa upang hadlangan ang pandaraya.
“Iyong isa sigurong pwede nating madagdag sa committee report ay separate penalty for schools or for individuals who are defrauding our students,” wika ni Aquino.
Binigyang-diin ng senador na irerekomenda sa committee report ang mas mabigat na parusa upang maiwasan ang maling paggamit ng pondong inilaan para sa edukasyon ng mga estudyante.
“Pwede tayong maglagay ng iba pang penalty kasi iyong kinakaso niyo, syndicated estafa. In fact, baka nga falsification of commercial documents lang. But maybe in this bill, we can include the penalties for those who will do fraudulent behavior,” giit niya.
“Kasi pag ninanakaw natin pera na dapat napupunta sa mga kabataan, parang ibang level po iyon ng kasamaan. So maybe we can recommend in our committee report, in our version, separate penalty for those who are defrauding government and using this voucher system,” dagdag pa niya.
Umaasa si Aquino na makuha ang suporta ng mga kapwa mambabatas, sa pagsasabing kailangan ng mas mabigat na parusa upang magdalawang-isip ang mga nagbabalak abusuhin ang sistema.
“We will recommend that for the committee and I hope I can get the support of our colleagues, para kung sinuman ang magtatangka na gumawa ng masamang bagay gamit ang sistemang ito, gamit ang pera ng DepEd, magdadalawang isip dahil mayroong separate na penalty na isama. Itaas natin iyong penalty na iyon.” (ESTONG REYES)
