HINDI pinalampas ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno ang umano’y katampalasan ng isang bagitong kongresista.
Partikular na inalmahan ni Puno ang patutsada sa social media ni Cavite Rep. Kiko Barzaga sa umano’y pagtanggap ng suhol ng mga miyembro ng National Unity Party (NUP), kapalit ng suporta kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa complaint-affidavit, binigyan-diin ni Puno na tumatayong chairman ng NUP, na ang nasabing social media post ng bagitong kongresista ay pasok sa batayan ng paglabag na itinakda sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175, o ang Philippine Cybercrime Prevention Act of 2012, maging sa Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code (RPC), batas sa pag-amyenda ng Republic Act No. 10951.
Para kay Puno, walang batayan ang alegasyon ni Barzaga sa mga miyembro ng partido, kasabay ng giit sa aniya’y kakatwang asal ng neophyte solon.
Aniya, maituturing bilang isang criminal offense ang ginawa ni Barzaga — ang kasinungalingan na sadyang ikinalat sa publiko gamit ang social media.
Paglilinaw ni Puno, hindi saklaw ng parliamentary immunity ang ginawa ni Barzaga.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, may karampatang parusang pagkakulong ng anim na taon ang sinumang mapapatunayan nagkasala sa kasong cyberlibel.
Tahasang itinanggi ng ranking House official ang sinasabi sa naturang FB post na ang businessman na si Enrique Razon, o kahit na sinumang indibidwal ang siyang nagbigay ng suhol para tukuran ng NUP members ang speakership bid ng Leyte province lawmaker.
Bukod sa cyberlibel complaint, nakatakda ring magsampa si Puno ng hiwalay na civil case para sa danyos bunga ng paninirang ginawa ng bagitong kongresista.
“Other NUP Members who were similarly maligned are already in the process of filing their own complaints. This is not about rhetoric. As we’ve said before, this is about protecting our reputations and enforcing accountability when outright falsehoods are thrown at us,” pahayag pa ng Antipolo City solon.
Nitong nakaraang Enero 9 (habang suspendido bilang isang kongresista) nang mag-post sa Facebook si Barzaga na may 1.9 million followers. Bukod sa social media, lumabas din sa iba pang online news sites at social media platforms ang buladas ni Barzaga.
Naniniwala si Puno na gumaganti lamang ang Cavite solon kaya nag-post sa FB account nito matapos na sampahan niya at 28 iba pang kongresista ng ethics complaint sa Kamara ang huli noong Setyembre 17 ng nakalipas na taon.
Disyembre 1, 2025 nang maglabas ang House Committee on Ethics and Privileges ng Committee Report No. 28, na sinasabing guilty si Barzaga ng disorderly behavior at conduct unbecoming of a Member of the House, kung saan pinatawan ang Cavite congressman ng 60-day suspension without salaries and allowances.
Kalakip ng pasya ng komiter ang babala kay Barzaga — ang matulad kay former Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na sinipa bilang miyembro ng Kamara. (ROMER R. BUTUYAN)
