AMINADO ang Department of Justice (DOJ) na sadyang mapanganib ang Artificial Intelligence (AI) tools sa paggawa ng sexual abuse materials kung saan mga bata ang karaniwang biktima.
Sa ginanap na Safer Internet Day 2026 Multi-Stakeholder Press Conference, binalaan ng Plan International Pilipinas ang publiko sa umano’y panganib ng AI-generated tools sa mga kabataan.
Ayon kay Plan International Pilipinas Executive Director Pebbles Sanchez-Ogang, lubhang negatibo ang epekto sa mga kabataan ng mga “nakakaaliw” na AI tools.
“Because you are offering your image—yourself—to the AI world, and if it’s a young child who is accessing that, then that means my photo can be used by the AI space, by the digital space,” ani Sanchez-Ogang.
“Madali na lang mag-super impose ng picture ng isang bata sa isang picture at video. That is very dangerous and alarming,” dagdag pa ng opisyal.
Para naman kay Undersecretary Angelo Tapales ng Council for the Welfare of Children, krisis ang paglaganap ng AI tools na lumilikha ng child sexual abuse materials dahil mahirap nang malaman kung alin ang tunay at alin ang bunga lang ng makabagong teknolohiya.
Binanggit din niya na maraming insidente ng online child abuse ang hindi naiulat.
“Hindi po dapat tayo tumigil. It is really a whole of nation approach. It’s a spectrum of prevention, intervention, rehabilitation and reintegration. Walang isang agency na makaka-solve niyan,” dagdag pa ni Tapales. (JULIET PACOT)
