KASAMA ang hangarin muling buhayin ang diwa ng walang dugong rebolusyon at mapayapang People Power at palakasin ang kasalukuyang laban kontra korapsyon, bitbit na ngayon ng People Power 40 ang Kick-Off Concert gaganapin sa Pebrero 21 sa Quezon Memorial Circle.
Ang tema ng konsyerto — “Awit at Aksyon Kontra Korapsyon.”
Ayon sa Mayors for Good Governance (M4GG) at Kaya Natin!, ang naturang konsyerto ay naglalayong ipaalala sa mga Pilipino na ang pagkakaisa at tapang na kalakip ng pagbabalik ng demokrasya sa bansa noong 1986 ay maaaring gamitin ngayon sa paglaban kontra korapsyon.
“People Power proved that the Filipino people, when united, can stand up to injustice and demand accountability. This concert is a way to honor that legacy while encouraging citizens, especially the youth, to continue the fight for transparency and good governance,” ayon sa mga organizer.
Kumbinsido rin ang mga grupo sa likod ng aktibidad na mas lalawak at lalakas ang mensahe sa sambayanan — ang paglaban sa korapsyon ay responsibilidad ng lahat ng Pilipino.
Tampok sa konsyerto ang ilan sa mga pinakamahusay na performers sa bansa, kabilang sina Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Rivermaya, Ice Seguerra, Ebe Dancel, Pio Balbuena, Morobeats, Elmo Magalona, Arkin Magalona, Chelsea Alley, at Over October.
Magbibigay kulay din sa selebrasyon ang stand-up comedians na sina Alex Calleja at Red Ollero, Iza Calzado, Bea Binene, at DJ JhaiHo.
Magsisimula ang pre-show sa ganap na alas-kwatro ng hapon, habang ang main concert ay mag-uumpisa ng alas-sais ng gabi. (CESAR MORALES)
