KASABAY sa pagdiriwang ng National Women’s Month, binigyang-parangal ni House Speaker Faustino Dy III ang mga kababaihang Pilipino bilang mga Babaylan ng makabagong panahon.
Para kay Dy, hindi matatawaran ang pamumuno, katatagan ang ambag ng mga kababaihang Pilipino sa pagpapaunlad ng bansa.
Sa isang pahayag, inilarawan ng lider ng Kamara ang mga modern Pinay sa mga tinatawag na Babaylan na lubos na iginagalang noong unang panahon dahil sa pagiging ispiritwal at natatanging paggabay sa komunidad.
“Ngayong National Women’s Month 2026, alalahanin natin ang lakas na matagal nang nananalaytay sa bawat Pilipina—ang diwa ng Babaylan: lider na may karunungan, malasakit, tapang, at pananagutan sa komunidad,” wika ni Dy sa isang video message.
Giit ng House Speaker mula sa Isabela province, ang katulad na diwa ay patuloy na masasalamin sa pang-araw araw na gawain ng mga Pilipina mula sa iba’t-ibang sektor.
“Ang diwang ito ay buhay sa bawat ina na lumalaban para sa kinabukasan ng kanyang anak, sa bawat babaeng guro na humuhubog ng pangarap, sa bawat babaeng lider sa pamahalaan at sa iba’t ibang sektor,” dugtong ni Dy.
Ang women’s leadership aniya ay magbibigay ng kaunlaran na mas ramdam ng mga mamamayan at higit na nagpapatatag sa lipunan.
“Kayo ang patunay na kapag ang babae ang namumuno, nagiging mas inklusibo ang pag-unlad at mas matatag ang lipunan,” sambit ng mambabatas.
Ani Speaker Dy, kinikilala ng Kongreso ang papel ng mga kababaihan sa pagsusulong ng mga mahahalagang reporma at pambansang kaunlaran.
“Respeto, suporta at taos-pusong pagkilala ang handog natin sa mga kababaihan na kabalikat ng Kongreso sa pagsusulong ng pagbabago at kaunlaran,” ayon sa House Speaker.
Subalit sinabi ni Speaker Dy na batid niyang mayroong mga kababaihan na nahaharap sa mabigat na hamon na magkaroon ng sapat na boses at kaukulang oportunidad.
“Ngunit hindi pa po tapos ang laban. May mga kababaihan pa ring hindi naririnig at hindi nabibigyan ng pagkakataon. Kaya malinaw po ang ating panawagan: walang maiiwan.”
Tiniyak din ng lider-kongresista na patuloy na isusulong ng Kongreso ang pagpasa sa Kamara ng mga batas na magbibigay ng kapangyarihan at pag-unlad sa mga kababaihan partikular ang mga nasa marginalized sector.
“Palalakasin po ng inyong Kongreso ang bawat Pilipina, lalo na ang mga nasa laylayan: mga kababaihang nasa bukid, mga katutubo, at mga kababaihang may kapansanan. At ang responsibilidad na ito ay dala natin araw-araw, hindi lamang tuwing Women’s Month,” sabi pa niya.
“Sa bawat Pilipina, ito ang aking mensahe: huwag mong maliitin ang iyong tinig. Ikaw ang bukal ng lakas. Ikaw ang lider ng ating panahon. Ikaw ang makabagong Babaylan. Dahil sa’yo, ang kinabukasan ay mas makatarungan, mas inklusibo, at tunay na para sa lahat.” (ROMER R. BUTUYAN)
