PARA sa Department of Justice (DOJ), walang ilegal sa pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) — kahit kumalas na ang bansa sa Rome Statute na siyang lumikha ng pandaigdigang husgado.
Paliwanag ni Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, walang batas nagbabawal sa gobyerno makipag-ugnayan sa international tribunal.
Partikular na tinugon ni Martinez ang nihaing petisyon ng kampo ni former President Rodrigo Duterte sa Korte Suprema mula nang dakpin at sampahan ng kasong crimes against humanity sa The Hague, Netherlands.
Sa naturang petisyon, kinuwestyon ang legalidad ng pag-aresto sa dating pangulo noong Marso ng nakaraang taon.
Gayunpaman, tiniyak ng DOJ spokesperson na hindi isinasantabi ng kagawaran ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute, kasabay ng giit na walang pananagutan sa batas ang pamahalaan sa pakikipag-ugnayan nito sa anumang international agency o tribunal.
Una nang inamin ni Ombudsman Crispin Remulla ang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng ICC sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng DOJ.
Bwelta naman ni Martinez, walang anumang uri ng pakikipag-usap sa ICC ang DOJ sa ilalim ng pamumuno ni Justice Secretary Fredderick Vida.
Samantal, tiniyak ni Polo na walang anumang hakbang na gagawin ang estado hanggat hindi pa naglalabas ng resolusyon ang Korte Suprema kaugnay ng inihain petisyon ng kampo ni Duterte. (JULIET PACOT)
