IMBES na mabawasan, mas nadagdagan pa ang utang ng Pilipinas.
Sa datos ng Bureau of Treasury (BTr) sa pagtatapos ng buwan ng Enero, umabot na sa P18.13 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas — mas mataas ng P426.15 bilyon kumpara sa huling buwan ng nakalipas na taon.
Sa kabila ng paglobo ng bayarin ng gobyerno, nanindigan ang BTr na “sustainable” ang antas ng utang ng pamahalaan sa kabila pa ng mga hamon sa domestic at global landscape.
“The month-on-month increase mainly reflects the government’s strategy of frontloading domestic and external issuances to secure concessional financing terms ahead of global market uncertainties that can further raise interest costs,” paliwanag ng BTr.
Sa kabuuan, 68% ng utang ay domestic debt na nagkakahalaga ng P12.32 trilyon — “The net incurrence of government securities amounting to P208.05 billion reflects the NG’s commitment to prioritize domestic sources of funding, providing Filipinos with a safe and stable investment option while supporting national development.”
Nasa P5.81 trilyon naman ang obligasyon ng Pilipinas mula sa foreign financial institutions.
Samantala, bahagyang sinisi ng BTr ang mababang palitan ng piso kontra dolyar sa paglobo ng utang ng Pilipinas.
