PARA kay Deputy Minority Leader Rep. Leila De Lima, ang pagsasampa ng kaso ni Vice-President Sara Duterte laban kay Ramil Madriaga ay “deecoy” sa hangaring busalan ang dating confidential aide sa pagharap sa mga pagdinig ng Kongreso hinggil sa impeachment complaints na inihain laban sa pangalawang pangulo.
“Sa pagsasampa ni VP Sara ng perjury laban kay Ramil Madriaga, ikinumpara nya si Madriaga kina Arturo Lascañas at Edgar Matobato na tumestigo laban sa mga pagpatay na inutos ng kanyang tatay, at nagamit na ebidensya sa ICC,” bungad ni De Lima bilang reaksyon sa pagdulog ng bise presidente sa Taguig City Prosecutor’s Office.
“Kung susuriin ang salaysay ni Madriaga, pareho nga siya kina Lascañas at Matobato na maituturing na “insider” – na nakakaalam sa inaakusang mga paglabag ni VP Sara sa paggamit ng confidential funds,” dugtong ng Mamamayang Liberal partylist solon.
“Mula sa ayaw sagutin na alegasyon, ngayon, sinampahan na nila ng kaso. Kaya mukhang kinakabahan na ang kampo ni VP Sara na malalantad na ni Madriaga ang katotohanan sa paglustay ng milyon-milyong confidential funds, tulad ng pagsisiwalat nina Lascañas at Matobato sa mga EJKs sa Davao na ipinatupad rin ng nakaraang administrasyon sa buong bansa.”
Ayon sa House senior deputy minority leader, na-impeach na noon si VP Sara at ngayon, isa ang affidavit ni Madriaga ang nadagdag sa matibay nang ebidensya laban sa pangalawang pangulo.
“Nakikita natin na crucial ang magiging testimonya ni Madriaga para palakasin pa lalo ang kaso. Madriaga should be even more protected now as a potential witness against VP Sara, especially if there are already acts of intimidation against him,” aniya pa.
“Bukod sa kasong perjury, ayon sa abogado ni Madriaga, may nagtangka sa buhay nya kamakailan kung saan sya nakakulong. Sino ang nagtatangka at gustong magpatahimik kay Madriaga?”
Sinabi ni De Lima na dahil umusad na ang mga impeachment complaints, dapat maging maging mapanuri at mulat ang mga mamamayan laban sa mga magkakalat ng mga kasinungalingan para pagtakpan at mailihis ang usapin sa tunay na isyu. (ROMER R. BUTUYAN)
