WALANG kinikilalang estado sa buhay ang batas — kesehodang nasa pwesto o kahit pa pinakamayaman sa bansa ang nasasakdal.
Ito ang buod ng mensahe ng Department of Justice (DOJ) kasabay ng pag-arangkada ng pagdinig sa kasong inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa pamilya Villar.
Kabilang sa mga pinatawag ng kagawaran sina former Senate President Manny Villar, asawang dating Senador Cynthia Villar, at mga anak na sina Mark at Camille na kasalukuyang nanunungkulan bilang senador.
Pasok din sa talaan ng mga respondents ang mga corporate officials ng Villar Landholdings na pag-aari ng nabanggit na pamilya.
Kapansin-pansin naman na wala maski isang miyembro ng pamilya Villar ang sumipot sa patawag ng DOJ. Gayunpaman, dumalo ang mga abogado sa unang araw ng preliminary investigation na pinamunuan ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong.
Muli namang nanumpa ang mga abogado ng SEC sa inihaing kaso, kabilang ang market manipulation, insider trading at hindi tamang disclosure ng kita — na dahilan ng pagtaas ng halaga ng shares ng kumpanya ng pamilya Villar.
Bukod kay Ong, pasok sa panel of prosecutors sina Prosecution Attorneys Angelique Pearl Miranda, Janave Salamanca-Gozon at Christine Mae Villablanca.
Samantala, binigyan lang ng DOJ ang pamilya Villar ng isang buwan para magsumite ng kontra-salaysay.
Itinakda ang susunod na preliminary investigation sa darating na Abril 20, 2026.
