Kinatigan ni Senator Mark Villar ang makabagong authentication methods na isinusulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas pagsapit ng Hunyo 30 — alinsunod na rin sa Anti-Financial Account Scamming Act. Aniya, higit na mahalaga protektahan ang mga Pilipino laban sa iba’t ibang uri ng online scams. (CESAR MORALES)
SA gitna ng lumolobong insidente ng online panggagantso sa likod ng digital financial transactions, angkop lang ang ginawang hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) — ang kalusin ang walang kwentang “one-time password” na bahagi ng tinatawag na security features na kalakip ng mga online transactions.
Partikular na tinukoy ni Senador Mark Villar ang direktiba ng BSP sa mga bangko at iba pang financial institutions. Isa ilalim ng naturang kautusan, isinusulong ng BSP ang phase-out sa paggamit ng OTP.
Imbes aniyang OTP, higit na angkop bumalangkas at magpatupad ng mas malakas na “security measures” bago sumapit ang Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.
Alinsunod sa Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na akda ni Villar, prayoridad ang proteksyon ng publiko laban sa mga dorobo sa likod ng tinaguriang “online scam.”
“As Principal Sponsor and Author of the Anti-Financial Account Scamming Act, I welcome this move by the BSP. This is an important step toward making digital banking safer for everyone. Kailangan nating mas paigtingin ang proteksyon laban sa phishing, SIM swapping, at iba pang uri ng online scam,” wika ni Villar.
Kumbinsido rin ang mambabatas na hindi na sapat ang paggamit ng OTP para protektahan ang mga Pilipinong target ng phishing, SIM swapping, at account takeover sa bisa ng iba pang anyo ng “modern authentication system” lalo pa’t higit na marami na ngayon ang gumagamit ng online commercial transactions.
Kabilang sa mga isinusulong ng BSO bilang security measure ang paggamit ng biometrics, fingerprint, facial recognition, in-app approvals, push notifications, device-based verification, at iba pa.
“Lahat po ng transaction ay digital na, pati na din ang panlilinlang ng mga scammer at hacker, kaya po napapanahon ang hakbang na ito ng BSP upang gawin mas ligtas at pangalagaan ang transaksyon ng mga kababayan natin online” wika ng mambabatas.
Umaasa naman si Villar na magiging sandigan ng proteksyon ng mga Pilipino ang akdang AFASA act.
“Patuloy nating babantayan ang pagpapatupad ng batas na ito upang matiyak na ligtas ang pera ng ating mga kababayan at mapapanagot ang mga gumagawa ng panloloko.”
