SINUSUGAN ng Kamara ang House Resolution 905 na inihain ni House Majority Leader Sandro Marcos na humihikayat sa mga bangko at iba pang remittance centers o financial service providers na pansamantalang isantabi o bawasan ang singil sa perang padala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakabase sa Middle East.
Para kay Marcos, higit na angkop gawaran ng “short-term relief measures” ng mga financial institutions ang mga OFW sa gitna ng dagok na dulot ng giyera sa pagitan ng Iran at Estados Unidos
“We are urging banks, remittance centers, and other financial service providers to extend temporary relief by waiving or reducing transaction and remittance fees, especially for Filipinos in the Middle East and their families who are bearing the brunt of rising costs,” wika ng House majority leader.
“Given the continuing tensions in the Middle East and the resulting pressure on global oil prices, we believe financial institutions can play a critical role in easing the burden by adopting short-term measures that provide immediate, practical relief,” dagdag Ilocos Norte solon.
Giit ni Marcos, ang hidwaan sa Gitnang Silangan ay lumikha ng “shortage” sa supply ng langis sa buong mundo. Ito rin aniya ang dahilan sa likod ng pagtaas ng singil sa transportasyon, kuryente, pagkain at maging sa iba pang pangunahing bilihin.
Anumang hakbang aniya para mabawasan ang gastusin ng mga OFW ay makakatulong para madagdagan ang badyet ng kani-kanilang pamilya sa tuwing may padalang pera sa bansa.
Nakapaloob din sa HR 905 na kapag sumang-ayon ang pamahalaan sa mungkahing flexible work arrangements gaya ng compressed workweeks at work-from-home schemes, ang mga manggagawa ay mas sasandig sa digital financial transactions.
“With a four-day workweek or work-from-home arrangement, online payment alternatives for purchase of basic goods and necessities would be availed of by workers,” aniya pa.
Subalit sa ngayon aniya, ang interbank ATM withdrawal fees ay nasa P18, habang ang online transfer charges ay umaabot hanggang P25 — o katumbas ng 3.6 percent ng daily minimum wage sa Metro Manila.
Bunsod nito, hinimok ni Marcos ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pag-aralan ang umiiral na banking fees dahil malaking tulong sa mga mamamayan kung ito ay mababawasan o sususpindehin muna habang umiiral ang financial pressures at economic distress dala ng Middle East crisis.
