WALANG imposible kung magpupursige. Ito ang sandigan ni Justice Secretary Frederick Vida sa usapin ng pagpapauwi sa isang pugante para harapin ang santambak na asunto sa korte.
Sa isang kalatas, nanindigan si Vida na may mga legal na paraan para iharap si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co sa hukuman kaugnay ng mga kinakaharap na kasong may kaugnayan sa malawakang katiwalian sa likod ng mga flood control projects ng pamahalaan.
Gayunpaman, nilinaw ni Vida na walang katiyakan kung kailan maibabalik ang dating congressman sa Pilipinas.
Aniya, may mga impormasyon na rin ang pamahalaan sa mga lugar na posibleng pinagtataguan ni Co sa Schengen area na kinabibilangan ng 29 member states.
Samantala, sinabi naman ni Prof. Michael Tiu, Head ng International Criminal Law Program at UP Institute of International Legal Studies na mahihirapan ang Pilipinas sa pagtunton kay Co lalo pa’t hindi naman uso sa Schengen ang checkpoint sa mga pasaherong tumatawid sa mga border.
