PARA kay House Speaker Faustino Dy, hindi katanggap-tanggap ang sistemang usad-pagong sa pagdating sa paglalabas ng pondo para sa mga aprubadong programa at proyekto ng gobyerno.
Sa isang kalatas, partikular na pinuna ni Dy ang kabagalan ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan dahil sa pondong lubhang nababalam.
“Kaya naman po sa mga kaibigan natin sa DBM, ayusin nyo naman ang inyong trabaho. Bilis-bilisan niyo naman ang inyong mga pagkilos,” wika ni Dy.
“Gawin ninyo naman ang inyong mga tungkulin para maging maayos at maipatupad na ang mga programang sasagot sa kasalukuyang pangangailangan ng ating mga kababayan sa iba’t ibang mga rehiyon,” dugtong niya.
Ayon sa lider ng Kamara, marami sa mga mamamayang Pilipino ang naghihintay ng tulong mula sa pamahalaan, kasabay ng giit na hindi dapat paghintayin ng walang katiyakan ang taumbayan.
“‘Ika nga, aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo? Ang serbisyo ay may halaga at mararamdaman lamang kung ito’y ipinararating sa tamang oras.” ani Dy.
Ayon sa kongresista mula sa lalawigan ng Isabela, masusing nagampanan ng mga miyembro ng Kongreso ang pagpasa ng mga batas at paglalaan ng kaukulang pondo sa mga mahahalagang programa.
“It is clear that through collective efforts, the members of this chamber are ready and willing to pass the laws and provide the funds for the programs necessary to address the needs of our countrymen,” sabi pa ng Speaker.
Subalit punto niya, ang mga naipasang batas at pagtatakda ng alokasyon sa bawat proyekto o programa ay walang-saysay kung hindi naman ito naipatutupad sa takdang oras.
“Upang maging ganap na epektibo ang mga hangaring ito, kinakailangan nating tiyakin na ang mga pondong inilaan ng Kongreso ay makarating sa mga mamamayan nang maagap,” aniya pa.
“Dahil ang batas na hindi pinapatupad ay nananatiling isang papel na walang halaga at ang serbisyong hindi nakakarating sa tao ay huwad na paglilingkod,” dugtong nito.
“Umaapela kami sa inyo hindi bilang kritiko kundi bilang katuwang ninyo sa mabilis at agarang pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan.”
