PIHADONG madidiin si Vice President Sara Duterte sa kasong “grave threats” at “sedition” kaugnay ng pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., asawang si Liza Araneta at maging sa dating lider ng Kamara na si Leyte Rep. Martin Romualdez.
Sa affidavit na isinumite sa Kamara, inamin ni National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Chief of Staff of Legal Services Atty. Yentl Malicad sa House Committee on Justice na mayroon na silang natukoy na tatlong elemento para sa inciting to sedition charge laban kay Duterte.
“First, that Duterte was not a direct participant in the act of sedition itself; second, that she did utter seditious statements; and third, that the statements were made through speech,” saad sa isang bahagi ng affidavit ni Malicad.
Sa panig ni NBI agent John Mark Calilung, sinabi naman niya na nakumpirma nila na verified at authenticated ang video ng online press conference Duterte, kung saan tiyak umano ang pagiging buo, walang binago, o anumang bahid ng remedyo sa tulong ng artificial intelligence.
Partikular na tinukoy ng NBI agent ang virtual press conference ng bise presidente noong Nobyembre 202 kung saan narinig mismo sa bibig ng bise-presidente ang linyang — “May kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya na kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta at si Martin Romualdez. No joke. Nagbilin na ako. Pag namatay ako, sabi ko, wag ka tumigil hanggang hindi mo mapatay sila.”
Para sa NBI, pasok ang mga binitawang salita ng bise-presidente sa kategorya ng “grave threat” — isang krimen na may karampatang kaparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code.
“Base po sa ebidensya na nakalap ng NBI at naisubmit sa Department of Justice for the purpose of preliminary investigation, ang naging findings po ng NBI… the acts of the vice president constitutes grave threats,” pahayag pa ni Malicad.
Bunsod nito, sinabi ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na ang bantang pananakit o pagpatay ay malinaw na isang kasong kriminal, na dapat ang bise-presidente ay alam ito.
“Kung hindi tama ang ugaling ito para sa second highest official of the land, mas lalo hindi po ito karapat dapat para sa isang tao nag-aambisyon maging highest official of the land. Grave threat, inciting to sedition, sinasabi ng NBI ginawa po yan ni VP Sara,” dagdag niya.
Sinabi naman ni NBI Anti-Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc na nakumpirma nilang mayroong partikular na assassin na kinontak si Duterte para sa pagpatay sa mag-asawang Marcos at Leyte solon.
“Definitely we believe na mayroon ho siyang kinausap at mayroon hong assassin na naka assign, base po sa conversation. Based ho sa aming affidavit, VP Sara is referring to one and the same person,” sabi pa ng NBI official.
Katunayan anila, patuloy ang pagtugis sa hindi pinangalanang hired gunman. Gayunpaman, hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang mga opisyal ng naturang kawanihan.
Sa panig ni NBI Director Atty. Melvin Matibag, sinabi niyang ang mga banta sa lahat ng public officials ay kanilang masusing tinututukan at siniseryoso kung saan matapos na matukoy ang katotohanan sa mga pahayag ng bise-presidente ay nagpasya silang magsampa ng kaukulang kaso.
“We consider all the threat to the president and to any official of the government a serious threat. Hindi po ito pwede biro biro and ‘yung mga pinakita pong video kanina diyan, ‘yan po ay pinag-aralan at naging parte ng pagdedesisyon ng National Bureau of Investigation para maghabla ng isang criminal case po kay Vice President Sara Duterte na ngayon nakapending sa Department of Justice,” saad ni Matibag
Sa panig naman ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila De Lima, ang mga nabanggit na akusasyon ng seryosong pagbabanta at inciting to sedition ng bise-presidente ay siyang “most important charges” dahil nalantad ang tunay na karakter ni Duterte.
“Never before in the entire history of the world has a sitting vice president threatened to kill the president and his wife on livestreaming video for the whole Filipino nation and even the world to watch. It finally reveals Sara Duterte at her most transparent and unfiltered moment, and para sa akin po, this is not an aberrant attitude of a Duterte. In fact, it is their trademark character.”
