WALANG fishing expedition sa likod ng mga subpoena na inilabas ng House Justice Committee.
Ito ang giit ng isang kongresista bilang tugon sa umano’y paghahanap ng butas na ginagawa ng Kamara para idiin si Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinukoy ni Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon ang kautusan ng komite para sa paglabas ng iba’t-ibang dokumento kabilang ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente na nahaharap sa dalawang impeachment complaints sa Kamara.
“Alam ninyo entitled naman sila sa opinion nila. Pero the facts are very clear. Mayroon pong kailangan ipaliwanag ang ating pangalawang pangulo doon sa discrepancy na kanya pong SALN ng 2007 at 2024,” wika ni Ridon na miyembro ng House Justice panel.
“Fishing expedition lang po yan kung wala ho tayong pinagsisimulang mga dokumento. Ang problema meron, nasa SALN po mismo ng pangalawang pangulo,” dugtong niya.
Ayon sa mambabatas na tumatayong chairman ng House Committee on Public Accounts, mayroong “wealth gap” sa idineklara ang bise-presidente sa P30 hanggang P50-milyong sweldo mula 2007 at isinumiteng net worth na P88 milyon noong 2024.
Sa nakaraang impeachment proceedings, kinatigan ng Justice panel ang pag-iisyu ng subpoena sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC) ng tax records and corporate documents na may kinalaman kay Duterte, maging sa asawa at alinmang business interests ng pamilya.
Paliwanag ni Ridon, ang mga hinihinging income tax returns, value-added tax payments, at audited financial statements ay maaaring magbigay-linaw sa nasabing discrepancy.
Sa panig ni House Committee on Justice chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ang mga naging aksyon ng komite ay batay o alinsunod sa pinagtibay na mosyon para ipagpatuloy ang deliberasyon sa mga akusasyon laban sa pangalawang pangulo.
“We will remember that there has been a declaration of sufficiency in form, there has been a declaration of sufficiency in substance, and there has been a declaration of sufficiency in ground,” ayon pa kay Luistro.
“In other words, the committee already ruled on the existence of sufficient basis to proceed to hearing proper, that includes the issuance of subpoena,” dagdag niya.
