BAHAGYANG nakasilay ng pag-asa ang mga kilusan kontra korapsyon matapos kumpirmahin ng Office of the Ombudsman ang ikinakasong kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Bukod kay Romualdez, kaladkad rin umano sa mga sasampahan ng asunto si dating Senate President Francis Escudero.
Ayon kay Ombudsman Crispin Remulla, kasong plunder ang niluluto ng kanyang tanggapan laban kina Romualdez at Escudero.
“We have been seriously preparing a case of plunder against former Speaker Martin Romualdez and former Senate President Chiz Escudero. Plunder ang hinahanda naming kaso laban sa kanila,” wika ni Remulla sa isang pulong-balitaan.
“We are just tying up many things that have to be there for us to make a case out of it. The former Senate president and the former speaker will be subjected to a case of plunder very soon,” dugtong pa ni Remulla sa aniya’y sabwatan sa pagbuo at pagpasa ng budget para sa mga proyektong pinaghugutan ng kickback.
Binanggit din na lumabas ang detalye sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa kontrobersiya sa flood control, kung saan umano’y may mga proyektong ipinasok sa budget para pagkakitaan.
Paglilinaw ni Remulla, hindi lang sina Romualdez at Escudero ang sasampahan ng kaso, kundi maging ang iba pang mga mambabatas at mga opisyal sa sangay ng ehekutibo.
