SA hangarin pagaanin ang pasanin ng mga mamamayan, iminungkahi ng isang kongresista palawakin ang programang nagbibigay diskwento sa mga sasakyang bumabagtas sa mga toll ways.
Sa isang pahayag, partikular na isinusulong ni House Committee on Labor and Employment chair at Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla isama ang mga pribadong sasakyan sa diskwento.
Giit ng Cavite congressman, hindi lamang ang public utility vehicles ang apektado ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
“Lahat tayo tinatamaan nito—lalo na ang ating middle class na araw-araw bumibiyahe at patuloy na pumapasan sa tumataas na gastusin,” wika ni Revilla.
Ginawa ng House panel head ang apela sa pagdinig ng Legislative Energy and Development (LEAD) Joint Committee kung saan tinalakay ang iba’t-ibang hakbang na maaaring ipatupad para ibsan ang epekto ng global oil crisis.
Ayon kay Revilla, maraming private owners ang gumagamit ng kanilang sasakyan sa pagpasok sa trabaho o paghahanapbuhay kung kaya maging ang mga ito ay nakakaranas ng pressure mula sa mataas na presyo ng gasolina, toll fees at maging ng inflation sa mga pangunahing bilihin.
Bilang tugon, sinabi ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez na bukas sila sa nasabing mungkahi, kasabay ng pangakong makikipag-ugnayan sa mga toll operators.
“Mainit nating tinatanggap ang commitment ng DOTr na ipagpatuloy ang pag-uusap kasama ang toll operators. Mahalaga na agad itong maisakatuparan para maramdaman ng mas nakararaming Pilipino ang ginhawa,” anang kongresista sa litanya ng kalihim.
Hinikayat din ng Revilla ang mga kapwa mambabatas aksiyunan ang akdang panukalang pag-aralan at bawasan ang value-added tax (VAT) na ipinapataw sa basic commodities, limitahan ang pass-through ng system loss charges sa electricity rates, at bilisan ang pagkakaloob ng subsidiya sa transport at iba pang energy-sensitive sectors.
“Hindi pwedeng paisa-isang solusyon lang. Kailangan sabay-sabay at magkakaugnay ang ating mga hakbang para talagang maramdaman ang ginhawa. Ang krisis sa langis at enerhiya ay walang pinipili. Kaya dapat ang solusyon ay inclusive at ramdam ng lahat—hindi lang ng iilang sektor.”
