TATLONG araw na sahod ang posibleng abonohan ng isang babaeng empleyado matapos takbuhan ng customer na nagpakarga ng gasolina sa Clean Fuel pumping station sa Quezon City Linggo ng madaling araw.
Sa impormasyong ibinahagi ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas 3:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa isang gasolinahan sa panulukan ng Empire Street at Payatas Road.
Batay sa reklamo ng 31-anyos na gasoline attendant na kinilala lang sa alyas na Jonna, isang puting Toyota Vios na may plakang NCN 1145 ang dumating sa Clean Fuel pumping station para magpakarga ng gasolina.
Nang matapos ang pagka karga, hiningi umano ni Jonna ang kabayaran. Subalit sa halip ng bumunot ng pera, hinarurot ng hindi pa tukoy na suspek ang minamenehong sasakyan sa direksyon ng Litex Road.
Kasabay ng isinasagawang imbestigasyon, nakikipag-ugnayan na rin ang QCPD sa Land Transportation Office (LTO) para matunton ang may-ari at driver ng nasabing sasakyan.
