HINDI alintana ang matinding init ng panahon, nilusob ng mga pro-Duterte supporters ang Korte Suprema para igiit ang agarang pagsasagawa ng pagdinig sa inihaing habeas corpus ng dating pangulo.
Bukod sa panawagan para sa pagdinig ng habeas corpus ni former President Rodrigo Duterte, nanawagan din ang grupong One Bangsamoro Movement na ibasura ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sigaw din ng grupo ang agarang pagpapauwi sa bansa sa matandang Duterte na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Sa impormasyong ibinahagi ng Manila Police District (MPD), nagsimula ang aktibidad dakong alas 9:00. Agad din naman nagkalasan ang mga demonstrador pagsapit ng alas 12:00 ng tanghali.
Samantala, inaasahan naman ang muling pagtitipon ng mga miyembro ng One Bangsamoro Movement sa harap ng tanggapan ng Korte Suprema ngayong Martes, April 21.
