PARA masuri ang lawak ng pinsalang dulot ng sunog sa tambakan ng basura sa Navotas, nagkusang-palo si Manila City Mayor Isko Moreno ipagamit ang makabagong drones na sadyang idinesenyo para sa kalamidad.
Para kay Moreno, malaking bentahe sa agarang pag-apula ng apoy ang mga angkop na kagamitan, gayundin para mabatid ang lawak ng pinsala.
Partikular na tinukoy ng alkalde ang mga makabagong drones ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD).
Sa isinagawang aerial assessment, ginamit ang high-tech drones ng MCDRRMD na may kakayahang mag-detect at mag-assess ng heat temperature sa pinangyarihan ng sunog, na makakatulong upang mas mapabilis ang pag-apula sa apoy at mas malinaw na matukoy ang kalagayan sa lugar.
Una ng natukoy ng Department of Environment and Public Services (DEPS) na umabot sa antas na “Unhealthy for Sensitive Groups” ang Air Quality Index (AQI) sa ilang bahagi ng Maynila, kabilang ang Anda Circle, San Sebastian Residences, at Sta. Ana Hospital.
Payo ng DEPS sa mga Manilenyong bata, senior citizens, at mga indibidwal na may respiratory illness, magsuot ng face mask bilang proteksyon laban sa masamang epekto ng maruming hangin.
Hinikayat din ng naturang tanggapan ang publiko na iwasan muna ang matagal na pananatili sa labas ng tahanan kung hindi naman kinakailangan.
Higit na angkop rin anila ang madalas na pag-inom ng tubig upang manatiling hydrated.
