KUNG pagbabatayan ang resulta ng survey na pinangasiwaan ng Tangere, lumalabas na unti-unti nang nauubos ang pasensya ng mga Pilipino bunsod ng mga nabistong bulilyaso ng pangalawang pangulo.
Para kay Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, malinaw ang mensahe ng mga mamamayang Pilipino — ang agad maisalang sa Senate impeachment trial si Vice President Sara Duterte para harapin ang mga kinakaharap na kaso.
Ayon kay Ortega, hindi na maitatago ang malaking pagkadismaya ng sambayanan sa pagmamatigas ng bise presidente na humarap sa House impeachment proceedings.
Sa survey na isinagawa ng top market research platform na Tangere, 88 percent ng respondent ang pabor isalang sa paglilitis ng senado ang pangalawang pangulo.
Nasa 70 percent naman ang nasabing dapat personal na magbigay ng kanyang testimonya ang bise-presidente para sagutin ang mga akusasyon, habang 51 percent ang gusto siyang magsumite ng mga ebidensya para salagin ang binabatong financial issues.
“Kapag 88 percent na ng mga Pilipino ang nagsasabing humarap ka sa impeachment trial, hindi na iyan simpleng opinyon lang ng iilan. Hatol na iyan ng public conscience na sawa na sa palusot, sawa na sa pa-victim at sawa na sa style na laging may script pero walang sagot,” reaksyon ni Ortega sa Tangere survey.
“Mas mabigat ngayon ang tungkulin ng Justice Committee dahil hindi na kami basta nakikinig sa reklamo. Ang nasa harap namin ngayon ay malinaw na sigaw ng taumbayan na gusto nang matapos ang lokohan at gusto nang makita kung may totoong depensa ang Bise Presidente,” dagdag niya.
Aniya, ang hindi pagsang-ayon ng mamamayan sa naratibong “political persecution” ng kampo ng bise presidente ay taliwas sa pagkakaunawa ng mga tao — na ang impeachment trial ay isang proseso para panagutin ang mga opisyal na gumawa ng kasalanan sa taumbayan.
“Hindi puwedeng lagi na lang ang drama ay nasa labas at ang accountability ay laging absent. Kung totoo ang sinasabi niyang malinis siya, bakit tila allergic siya sa forum na may oath, may records at may paglilinaw?” punto ng ranking House official.
“Ang problema kay VP Duterte, sa tuwing sumisikip ang usapan at humihingi ng konkretong paliwanag, biglang may press release, biglang may victim card, biglang may sermon. Parang ang akala niya madadaan sa lakas ng boses ang butas sa ebidensya,” sambit pa niya.
Giit ni Ortega, “kung ang isang pinuno ay tunay na may dangal at may paninindigan, hindi siya nagtatago sa likod ng indignation habang ang taumbayan ay naghihintay ng tuwid na sagot.”
“Sa totoo lang, ito na ang pinaka malinaw na mensahe sa kanya: enough na sa yabang, enough na sa drama, enough na sa pag-iwas. Humarap ka, sumagot ka at patunayan mo sa tamang forum kung may masasandalan ka nga bukod sa press release.”
