Poor Student with student’s uniform so tired of the exam. Lying down on the arm in the classroom. Sleepy student fall asleep during test at noon in the hot season.
HINDI katanggap-tanggap ang abang kalagayan ng mga mag-aaral sa hindi bababa sa 3,358 public schools sa kabila pa ng malaking pondong inilaan ng Kongreso sa sektor ng edukasyon.
Sa isang kalatas, hayagang kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian si Education Secretary Sonny Angara sa usad-pagong na pagtugon sa “electrification” ng mga pampublikong paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Mungkahi ni Gatchalian kay Angara, gamitin ang P1.295 bilyong pondo ng Department of Education (DepEd) para sa kapakanan ng mga mag-aaral na nagtitiis sa mga paaralang wala man lang kahit ilaw habang nagkaklase.
Ayon kay Gatchalian na tumatayong chairman ng Senate committee on finance, napapanahon nang isakatuparan ang plano ng ahensya na gumamit ng solar power sa ilang piling public schools.
Bukod sa pondo ng DepEd, may inilaang alokasyon ang Kongreso para sa National Rural Electrification Program ng National Electrification Administration (NEA).
Sa ilalim ng General Appropriations Act of 2026, nasa P9.1 bilyong ang nakalaan para sa electrification program.
Nakasaad din aniya sa isang special provision ng NEA budget na gagamitin lamang ang naturang pondo para sa electrification ng mga tinaguriang “off-grid schools.”
Saklaw din ng naturang pondo ang modernisasyon at upgrading ng mga electrical systems ng mga on-grid schools, kabilang ang pag-upgrade sa electrical power systems ng mga kasalukuyang school buildings, pagbili at installation ng transformers, at pag-install ng solar power systems.
Mandato rin sa NEA na bigyang prayoridad ang paggamit ng solar energy sources sa pagkabit ng kuryente sa mga off-grid at on-grid public schools.
“Titiyakin din nating gagamit tayo ng epektibong teknolohiya hanggang magkaroon ng ilaw ang bawat paaralan sa bansa,” ani Gatchalian.
