SA gitna ng pag-aalboroto ng mga konsyumer, kinalampag ng isang kongresista ang administrasyon para ikonsidera ang paggamit ng Bataan Nuclear Power Plant bilang tugon sa kinakaharap na energy crisis ng bansa.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, iginiit ni Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco na napapanahon nang aksyunan ng Kongreso ang pagpapatibay ng panukalang batas na nagtutulak paganahin ang plantang sadyang nilikha para pagaanin ang pasanin sa enerhiya ng mga mamamayan.
Una nang nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng State of National Energy Emergency bunsod ng kakulangan ng supply ng langis na dulot ng patuloy na hidwaan sa Middle East.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat hintayin pa ang krisis sa suplay ng kuryente bago kumilos ang pamahalaan.
Samantala, binigyang-diin naman ni Cecilio Pedro na dating pangulo ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. na mahalagang mapababa ang gastos sa kuryente upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa bansa.
Aniya, apektado hindi lang ang mga konsyumer kundi pati ang mga negosyo, kaya’t kinakailangang humanap ng alternatibong solusyon upang maiwasan ang pagkalugi.
