HINDI pa man nagtatagal sa pwesto, tila mapupurnada pa yata ang karera ng pabibong hepe ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa isang kalatas, kinalampag ni Senador Imee Marcos ang nakababatang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sibakin agad sa pwesto si NBI Director Melvin Matibag at dalawang alipores.
Bukod kay Matibag, idinamay din ni Senador Imee NBI-National Capital Region Chief Emeterio Dongallo Jr., at NBI-Organized and Transnational Crime Division Jerome Bomediano sa umano’y hayagang pagsuway sa direktiba ng Pangulo.
Partikular na tinukoy ni Imee ang tinawag niyang “siege” at pagpapaputok ng baril sa loob ng Senado noong gabi ng Mayo 13.
Sa liham ng senadora nitong Huwebes, Mayo 14, hiniling ni Marcos ang temporary relief kina NBI Director Melvin Matibag, NBI-National Capital Region Chief Emeterio Dongallo Jr., at NBI-Organized and Transnational Crime Division Jerome Bomediano.
Binigyang-diin din ni Marcos na ang naturang hakbang ay upang mapanatili umano ang kredibilidad at integridad ng imbestigasyon.
Para sa senadora, bistado ang pagsisinungaling ni Matibag at ng dalawang pang NBI officials. Una nang iginiit ni Matibag na walang NBI agent sa senado nang mangyari ang gulo.
Gayunpaman, isang ahente ng nasabing kawanihan ang nadakip — at umamin na napag-utusan lamang umano ng mga nakatataas na opisyal sa NBI.
Hagip din sa isang video footage ang tangkang pagpasok ng mga NBI operatives sa gawing likod ng Senate building.
