“BAWAL ang chismis sa usaping pambansa. Kapag mabigat ang paratang, dapat may ebidensya, hindi puro pahaging para guluhin ang isip ng publiko,” bulalas ng isang kongresista kaugnay ng kumakalat na ‘balita’ sa social media.
Ayon kay Deputy Speaker at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, hindi kapanipaniwala ang kumakalat sa social media hinggil sa umano’y nilulutong charter change para hindi matuloy ang halalan sa 2028.
“Such allegations should not be accepted as fact without evidence, especially as the country enters a crucial stage in Duterte’s impeachment trial,” wika ni Khonghun.
Para sa naturang mambabatas, ang “no-election narrative” ay mapanganib lalo pa’t nagdudulot ng takot sa mga Pinoy na matagal nang tinututulan ang term extension ng mga halal na opisyal ng pamahalaan, lampas sa kung ano ang nakatakda sa Saligang Batas.
“Walang katotohanan ang no-election scare na iyan. Ginagamit lang ang takot ng tao sa term extension para sirain ang tiwala sa gobyerno at ilihis ang usapan mula sa ebidensya,” dagdag ng Zambales solon.
Giit ni Khonghun, ang tunay na usapin na dapat tutukan ng mga mamamayan sa ngayon ay ang pagpapanagot at pagsagot ni Vice President Sara Duterte sa kinakaharap na impeachment case.
Sabi pa ng ranking House official, tiyak na ang motibo sa pagpapalutang ng no election scenario ay para lang ilihis ang atensyon ng taumbayan mula sa mga mabibigat na bintang na ipinupukol sa pangalawang pangulo.
“This is a textbook deflection. Kapag hindi na kayang sagutin ang ebidensya, gagawa ng ibang kuwento para ang administrasyon naman ang pagdudahan,” dugtong ni Khonghun.
Paalala ng mambabatas sa publiko, maging mapagmatyag at mag-ingat sa mga kumakalat na fake news at disinformation para lamang malagay sa alanganin at pagdudahan ang impeachment proceedings.
“Fake news is the main saboteur of truth and justice. It poisons public judgment, confuses the facts, and protects those who should be answering before the proper forum,” abiso ng kongresista.
“Kung may ebidensya, ilabas. Kung wala, tigilan ang pananakot. Hindi dapat gawing panangga ang fake news laban sa pananagutan.”
