SA taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, hindi na halos magkasya para sa pamilya ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa.
Ito ang buod ng mensahe ni Senador Mark Villar kasabay ng paghahain ng panukalang batas na naglalayong tiyakin ang mas malaking “take-home pay” sa hanay ng manggagawa sa bisa ng Senate Bill 2137.
Sa ilalim ng SB 2137, partikular na isinusulong ni Villar ang ang mas mataas na exemption sa income tax return na sinusumite kada taon.
Mungkahi ni Villar, itaas sa P360,000 ang tax exemption ceiling mula sa umiiral na P250,000 upang mabigyan ng karagdagang ginhawa ang mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Hirit ni Villar, ang mga indibidwal na kumikita ng hanggang P360,000 kada taon ay exempted sa pagbabayad ng income tax. Anumang matitipid ng mga manggagawa, magagamit aniya sa ibang gastusin tulad ng pagkain, pamasahe, kuryente, edukasyon, kalusugan, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Nakapaloob din sa panukala ang pag-aayos ng graduated income tax brackets upang mas umayon sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya at epekto ng inflation.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), inaasahang aabot sa 3.6 percent ang inflation ngayong taon, mas mataas sa 3.0 porsyentong target ng pamahalaan.
Hindi rin umano dapat ipagsawalambahala ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa patuloy ng pagtaas sa presyo ng pagkain, langis, kuryente, pamasahe, at iba pang pangunahing bilihin, na lalong nagpapababa sa tinaguriang “purchasing power” ng mga Pilipino.
Aniya, hindi na akma sa kasalukuyang kalagayang pangkabuhayan ang umiiral na income tax exemption threshold, lalo na’t patuloy na nahihirapan ang maraming manggagawa na pagkasyahin ang karampot na kita para sa pangangailangan ng pamilya.
“Habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, dapat lamang na mabigyan ng dagdag na ginhawa ang ating mga manggagawa. Sa pamamagitan ng panukalang ito, mas malaking bahagi ng kanilang kinikita ang maiuuwi nila para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Villar.
Dagdag pa ng senador, layunin din ng panukala palakasin ang household spending at ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapataas ng purchasing power ng mga mamimili.
“Layunin nating magkaroon ng mas patas at mas makataong sistema ng pagbubuwis—bilang pagkilala na din sa hirap at sakripisyo ng ating mga manggagawa, ay susuportahan natin sila sa at isa sa mga hakbang ay pagbibigay ng tax relief.”
