BILANG na ang araw ni Senador Jinggoy Estrada sa laya. Ito ang kinumpirma ni Ombudsman Crispin Remulla sa aniya’y kasong plunder na nakatakdang isampa sa Sandiganbayan kaugnay ng flood control scandal.
“Information against Sen. Jinggoy Estrada, information to be filed in the Sandiganbayan in the soonest possible time, hopefully Thursday. We will file it first thing in the morning by Thursday,” wika ni Remulla sa isang pulong-balitaan.
Una nang nirekomenda ng Department of Justice ang pagsasampa ng plunder, graft, at direct bribery laban kay Estrada, dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, at iba pa.
“Kaya nga medyo natagalan kaunti, noong binasa namin yung resolution, may nakita kami kailangan ng corrections,” paliwanag ni Remulla.
“Ayaw namin mag-file ng information na hindi pulido. Pinulido lang namin kaya inabot pa ng mahigit isang linggo na pinag-aaralan at inaayos ‘yung mga dapat ayusin para mas malinaw ‘yung kasong ilalahad natin sa Sandiganbayan,” dugtong ng Ombudsman.
Bukod kay Remulla, target din ng magsampa ng pormal na kaso laban kay Senador Joel Villanueva.
“Sa lalong madaling panahon file na rin namin yung kay Sen. Joel Villanueva, yan ang isang hinog na rin, ngunit kailangan puliduhin muna yung paglalahad ng ebidensya,” paliwanag ni Remulla.
Una nang ibinisto ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara sa Senate Blue Ribbon Committee ang pagtanggap umano ni Villanueva ng P150 milyon bilang kickback sa P600 million multi-purpose building project sa Bulacan.
Nang hingan ng panig si Estrada sa nakaumang na kasong plunder — “So be it! If this is the price that I have to pay for standing on my own principles and what I believe in. So be it,” pahayag ni Estrada.
“Basta ang alam ko wala akong insertion katulad ng sinasabi nila nung 1st Blue Ribbon, yung ibinulgar ni [dating Bulacan Engineer] Brice Hernandez sa House na meron akong insertion, nagkataon na dito sa LBRMO wala silang record na ako ay may insertion,” aniya. (Dagdag ulat mula kay Estong Reyes)
