NAPILITAN ang mayorya suspindihin ang sesyon sa senado matapos magwalk-out ang mga miyembro ng senate minority bunsod ng mungkahing payagan ang teleconference sa pagdalo at pagboto ng mga senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Nangyari ang walk-out ng 10 sa 11 miyembro ng Senate minority matapos igiit ng grupo ni Senate President Alan Peter Cayetano na susugan ang Rules of the Senate para sa tinatawag na electronic voting ng mga senator-judges.
Bago pa man lumayas ang minorya sa bulwagan, nagkaroon ng mainit na debate ang magkabilang panig makaraang isulong ni acting Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva sa plenaryo ang panukala ni Senador Rodante Marcoleta na amyendahan ang rules at isama ang probisyon ang pagdalo sa sesyon sa pamamagitan ng teleconferencing o video conferencing.
Sa gitna ng debate, iginiit ni Cayetano na talakayin ang naturang panukala, subalit tumanggi ang minorya.
Dito na niyakag ni Senador Juan Miguel Zubiri ang oba pang miyembro ng minority bloc na umalis sa plenaryo. Tanging si Senate Minority Leader Vicente Sotto ang naiwan sa sesyon.
Sa kawalan ng quorum, nagpasya ang presiding officer, si Senador Loren Legarda na i-adjourn ang sesyon hanggang sa Lunes, Hunyo 1.
