BUNSOD ng taas-babang paggalaw sa presyo, kakulangan ng imbakan at paog-paog na sistema sa pagbili aning palay, nagpahayag ng suporta ang mga magsasaka sa panukalang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act.
Partikular na isinusulong ng Federation of Free Farmers (FFF) at Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagbabalik ng regulatory at market intervention power ng National Food Authority (NFA).
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga, sinang-ayunan ng FFFat SINAG ang isang substitute bill para pinag-isang 26 related proposals hinggil sa RICE Act, kabilang ang House Bill No. 1 na akda ni former House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Nauna rito, iginiit ni Romualdez ang pangangailangan lutasin ang ibat-ibang hamon na kinakaharap ng mga magsasaka gayundin ng mga konsyumer at pagsusulong ng food security ng bansa partikular sa suplay at presyo ng bigas.
“Given the persistent price instability, warehouse congestion, and weakened palay procurement, there is now a compelling need to restore to the NFA some, two if not all, of its original regulatory and market intervention powers,” wika ng Visayan solon.
Ipinabatid ni Raul Montemayor kay House panel chair Enverga na noong bago maipatupad ang Rice Tariffication Law (RTL) at ang NFA ay meron pang kapangyarihan na magbenta ng bigas ay mas matatag ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
“Ngayon po, malikot ang galaw ng presyo ng bigas, up and down,” bulalas pa ni Montemayor.
Aniya, hindi lamang mga mamimili, kundi maging ang rice farmers ay apektado rin ng problema dahil ang panig ng huli ay bumibili at nangangailangan din ng suplay ng bigas sa konsumo ng kani-kanilang pamilya.
Pagsisiwalat ni Montemayor, ang mga middleman o trader, importer at wholesaler lamang ang nakikinabang sa implementasyon ng RTL.
Sinegundahan naman ni SINAG executive director Jayson Cainglet ang posisyon ni Montemayor, kasabay ng pahayag ng suporta sa panawagan muling pahintulutan magbenta ng bigas ang NFA para mapalawak pa ang kapasidad ng naturang ahensya bumili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
“Pag maganda ang presyo, well and good for the farmers. Pero pag mababa, the NFA should procure as much as 10 percent (of the harvest) to influence prices,” suhestyon ni Cainglet.
Paglilinaw ni Cainglet, tutol ang SINAG sa panukalang ibalik ang trading at importation authority ng NFA dahil mga dayuhang magsasaka lamang ang napapaboran at sa halip, ang gobyerno ay bumili lamang ng locally produce palay at bigas.
Bilang tugon, inatasan ni Enverga ang mga kinauukulan ahensya magsumite ng position paper kaugnay ng tinalakay na substitute bill hanggang sa susunod na linggo.
Ayon kay Enverga, target ng komite na maaprubahan ang bersyon nila ng panukalang RICE Act at maisalang itosa plenary deliberation sa lalong madaling panahon.
