PINANGUNAHAN ni House Speaker Faustino Dy III ang hanay ng mga bumubuo sa Kamara sa paabot na pagbati at pakikiisa sa Muslim communities sa okasyon ng Eid’l Adha kasabay ng panawagan sa pagtataguyod ng pagkakaisa, pagkakaunawaan at pakikisimpatiya sa kabila ng magkakaibang paniniwala at kultura.
“Sa ating mga kapatid na Muslim dito sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo, isang mapayapa at makabuluhang pagdiriwang ng Eid’l Adha,” bungad ni Dy sa kanyang video message kaugnay sa pagdiriwang ng Eid’l Adha, o ang Feast of Sacrifice.
“Ang banal na okasyong ito ay paalala ng kahalagahan ng pananampalataya, sakripisyo, pagmamalasakit, at pagsunod sa kalooban ng Diyos — mga pagpapahalagang patuloy na nagbibigay-liwanag at inspirasyon sa ating lipunan,” pahayag pa House Speaker mula Isabela.
Ayon kay Dy, ang naturang okasyon ay dapat na magsilbing paalala sa lahat na ang pagkakaroon ng pagkakaisa ang siyang dapat ibayong umiiral sa halip ang pagkakaiba sa rehiyon at kultura.
“Nawa’y magsilbi ang Eid’l Adha bilang paalala na sa kabila ng ating pagkakaiba sa pananampalataya at kultura, nananatiling mas matibay ang ating pagkakaisa bilang mga Pilipino na may iisang hangarin para sa kapayapaan, pagkakapatiran, at pag-unlad ng ating bayan,” diin ng lider-kongresista.
“Sa panahon ngayon, mahalagang patuloy nating pairalin ang pag-unawa, respeto, at malasakit sa isa’t isa upang lalo nating mapatatag ang pagkakaisa ng ating sambayanan,” dugtong ng pinuno ng Kamara.
“Eid Mubarak po sa inyong lahat.”
