NAPIPINTO ang muling pagsasama ng dalawang batikang action stars — pero hindi sa isang pelikula kundi sa loob ng selda.
Kasunod ng pormal na paghahain ng kaso ng Office of the Ombudsman, agad din naglabas ang Sandiganbayan ng isang warrant of arrest laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Una nang inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) sa Ombudsman ang pagsasampa ng kasong plunder, graft at bribery laban kay Estrada at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects ng gobyerno.
Partikular na pinag basehan ng Ombudsman ang testimonya ni dating DPWH assistant district engineer na si Brice Hernandez. Ayon kay Hernandez, si Estrada ang nag maniobra ng P355 milyong budget insertions para sa unang distrito ng Bulacan kapalit ng 30 percent komisyon.
Ilang buwan na ang nakalipas nang sumuko si dating Senador Ramon “Bong” Revilla kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla matapos lumabas ang warrant of arrest para sa kahalintulad na kaso.
Dati na rin nagsama sa kulungan sina Estrada at Revilla na kapwa nadawit sa kontrobersyal na pork barrel scam.
