HINDI umubra ang talim ng dila ng isang bagitong kongresista matapos supalpalin ni Deputy Speaker Paolo Ortega V kaugnay ng umiiral na “rules” sa Kamara.
Partikular na sinopla ni Ortega si Sagip partylist Rep. Paolo Henry Marcoleta matapos igiit na walang mali sa pahayag ng amang senador hinggil sa hirit na pahintulutan ang ilang senador na lumahok sa impeachment trial sa pamamagitan ng zoom o teleconference.
Ayon kay Ortega, malinaw na nakasaad sa rules of congress na pwede lang payagan ang paglahok sa deliberasyon, pagdinig at pagboto via zoom kung may “emergencies, pandemics, extraordinary circumstances and narrowly defined official business.”
Dalawang linggo na ang nakalipas nang maghain ng mosyon si Senador Rodante Marcoleta sa senado. Sa ilalim ng mosyon, partikular na tinutulak ni Marcoleta ang pag-ayon ng mataas na kapulungan sa mungkahing payagan ang virtual participation at online voting ng sinumang senador sa mga pagdinig kabilang ang impeachment trial.
“Hindi po pwedeng piliin lang ang bahagi ng rules na convenient sa argumento. Kapag binasa mo nang buo ang House rules, malinaw na ang virtual participation ay exception — hindi default mode ng lehislatura,” bwelta ng ranking House official sa neophyte partylist solon.
Giit ni Ortega, sa ilalim ng kasalukuyang 20th Congress, emergency-based ang remote voting mechanism na sinusunod ng Kamara.
“The House rules allow remote participation only during emergencies, pandemics, extraordinary circumstances and narrowly defined official business — not as a substitute for physical attendance in proceedings involving national interest,” paliwanag ng La Union lawmaker.
Tinukoy din ni Ortega ang nilalaman ng Section 89 ng House Rules, na pinapayagan ang sesyon sa pamamagitan ng electronic platforms kung ang pisikal na pagdalo ng sinumang ay labis na mahirap o imposible, gaya sa pagkakaroon ng natural calamities, pandemics, strikes, riots o civil disturbances, at kung mayroong tinatawag na “urgent necessity” para aksyunan ang mahalagang panukala.
“Napakalinaw ng Section 89. Hindi ito ginawa para sa convenience. Hindi ito ginawa para makaiwas sa pagharap sa plenaryo. Ginawa ito para matiyak na tuloy ang trabaho ng Kongreso kapag may emergency o extraordinary circumstances,” ani Ortega.
Tinukoy din ni Ortega ang Section 71 na nagtatakda ng limited exemptions para sa physical attendance — kung mayroong official duties ang isang kongresista gaya ng pagdalo sa committee hearings, bicameral conference meetings, sesyon sa Commission on Appointments, House Electoral Tribunal (HRET) proceedings, at pagtupad sa gawaing binigyan ng awtorisasyon ng Speaker.
“They were never intended to serve as an open-ended authority to turn normal legislative proceedings into virtual sessions,” dagdag pa niya.
Sinopla naman ni Ortega ang paghahalintulad ng Kamara sa Senado partikular sa usapin ng ‘virtual participation’ at ‘online voting’, dahil malayo ang pagkakaiba ng dalawang institusyon sa pagganap ng mandato.
“Sa House, 317 kaming miyembro na may kanya-kanyang distrito sa buong bansa. Habang may sesyon, may mga bagyo, sakuna, peace and order concerns at emergency situations sa mga lalawigan na kailangan ding tugunan ng mga congressman,” sabi ni Ortega.
“Sa Senado, 24 lang ang miyembro at wala namang districts na kailangang balikan habang may plenary sessions,” dugtong niya.
Paalala ni Ortega, pinayagan lamang ng husto ang remote participation noong panahon ng COVID-19 pandemic, na isang national emergency at may pagbabawal sa face-to-face na pagtitipon subalit nang matapos na ang global pandemic na ito ay nagbalik-normal na ang trabaho sa Kamara.
Nagbabala si Ortega sa pagnanais na gawing halimbawa ang emergency-era rules para payagan ang remote participation sa mga mahahalagang gawain ng lehislatura kabilang na ang impeachment trial.
“Kapag usapin na may constitutional gravity, public accountability at national interest, mas lalong kailangan ang personal presence, direct participation at full transparency. Huwag nating gamitin ang emergency provisions ng House rules para bigyang-katwiran ang paggawa ng extraordinary process bilang ordinaryong practice.”
