PARA mas ganahan makipag tulungan ang mga mamamayan, plano ng Department of Interior and Local Government (DILG) maglaan ng gantimpala para sa ikadarakip ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
“Puwede, considering that, but apparently it’s not effective yet,” ani DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang ambush interview.
Ayon sa Kalihim, patuloy ang masigasig na operasyon ng pulisya sa buong bansa para tuntunin at dakpin ang senador sa tulong ng Philippine National Police (PNP).
Gayunpaman, aminado si Remulla na hindi magiging madali tuntunin si Dela Rosa.
“We’re disposing of all our resources para mahanap siya. You have to understand hindi madali ito. We have 40,000 plus barangays to search,” aniya.
Samantala, umapela ang Kalihim sa puganteng senador na sumuko na lang para sa kanyang sariling kaligtasan, kasabay ng pangakong mapangalagaan ang kanyang karapatan.
“Please surrender. Gagalangin ka namin. Your rights will be observed. Huwag na natin patagalin ito kasi baka umuwi pa ito sa hindi mo gusto,” wika niya.
“So mabuti na mag-surrender ka na. We will treat you as an officer and a gentleman and we will follow all due process para sayo,” dagdag niya.
