SA halip na magtago tulad ng ginawa ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, sumuko sa mga nakaabang na operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Senador Jinggoy Estrada matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.
Sa isang pulong-balitaan bago ang pagsuko, nilinaw ni Estrada na hindi na niya kailangan pang humiling ng protective custody sa senado, kasabay ng giit sa kahandaan harapin ang mga kasong isinampa ng Ombudsman laban sa kanya.
Kapuna-puna naman ang ginawang pag-escort ni Interior Secretary Jonvic Remulla kay Estrada palabas ng gusali ng senado.
Mula sa senado, dinala si Estrada sa tanggapan ng CIDG sa Camp Crame para sa booking procedures.
Bago pa man binitbit palabas ng senado, ibinisto ng senador ang aniya’y alok na pagbasura ng kinakaharap na kaso kapalit ng pagkalas sa mayorya ng senado.
“Ngayon ko lang ito isasapubliko ito: Maraming beses akong inalok na talikuran ang independent majority bloc kapalit ang pagbasura sa aking kaso ngunit hindi ko ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ako na manatili sa hanay ng mga kasamahan ko sa independent majority bloc,” wika ni Estrada.
“Kung sino sila, abangan n’yo na lang ang susunod na kabanata,” dagdag pa ng mambabatas.
Garantiya ni Estrada, mananatili siya sa majority sa ilalim ng liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano.
“I stand my ground because what is at stake here goes far beyond my personal circumstances. What is at stake is the independence of the Senate itself,” ani Estrada.
“This institution must never become vulnerable to external pressure. It must remain free from political coercion, free from undue influence, and free from any scheme designed to weaken its constitutional role as a co-equal and independent branch of government.
If this is the price I must pay for the decisions I have made and the principles I have chosen to uphold, then I am prepared to face the consequences — however difficult they may be, especially for my family,” sambit pa niya.
Nahaharap si Estrada sa kasong plunder and paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
