WALANG kumpirmasyon pero hindi itinanggi ng Palasyo sa umano’y planong paglusob ng mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte sa Malacañang kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi na bago sa gobyerno ang destabilization plot.
“Sa ngayon wala pa tayong makumpirma sa sinasabing plano ng mga destabilizer sa June 12,” wika ni Castro.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na ipauubaya na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pulisya at iba pang law enforcement agencies ang pag-iimbestiga sa sinasabing paglusob ng mga Duterte supporters sa Palasyo.
Nagpakawala rin ng patutsada si Castro kay Duterte na tinawag niyang gahaman sa kapangyarihan. Giit ng Palace official, masyado pang maaga para pumustura sa 2028 presidential elections.
Panawagan ni Castro sa publiko, mag-ingat sa mga umano’y ‘kampon ng kadiliman.’
Una nang ibinunyag ng retiradong kolumnista na si Ramon Tulfo sa kanyang social media account ang umano’y panibagong destabilization plot na niluluto ng kampo ng pangalawang pangulo. Aniya, target lusubin ng mga Duterte supporters ang Malacañang.
