FAKE news. Ganito ang paglalarawan ni Ombudsman Crispin Remulla sa pasabog ni Senador Jinggoy Estrada hinggil sa umano’y alok na pagbasura sa kinakaharap na kaso kapalit ng pagsanib sa administrasyon.
Ayon kay Remulla, walang kinalaman ang kanyang tanggapan sa anumang usapin hinggil sa sinasabing pag-areglo sa kasong plunder laban sa senador sa kondisyong lilisanin ang kampo ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Una nang ibinunyag ni Estrada ang pakikipag-usap sa kanya ng isang mataas na opisyal sa Office of the Ombudsman. Ayon kay Estrada, hinihikayat umano siyang hudasin ang kampo ni Cayetano kapalit ng pagbasura sa mga kinakaharap na kaso.
Gayunpaman, walang tinukoy na pangalan si Estrada.
Paglilinaw ni Remulla, walang sinuman ang pwedeng magdikta sa kahihinatnan ng mga reklamong inihain sa Office of the Ombudsman. Paliwanag ni Remulla, lahat ng reklamo at masusing iniimbestigahan at pinagpapasyahan batay sa nakalap na katibayan.
“May mga sinabi kasi si Senator Jinggoy Estrada na marami raw kumakausap sa kanya tungkol sa mga kaso. Ang sasabihin ko lang sa mga kung sino man ang merong kumakausap ay hindi ako nakikipag-usap kahit kanino tungkol sa ganyang bagay,” giit ng Ombudsman.
“Mahirap po yan. Hindi dapat makikinig sa ganyang mga bilin sapagkat hindi po kami nakikipag-usap sa ganyang bagay. Kung anong ebidensya ay susundan namin ang ebidensya,” dagdag pa niya.
Si Estrada ay nahaharap sa mga kasong graft at plunder kaugnay ng tinatawag na “kickbacks” mula sa pondong inilaan para sa mga flood control projects ng pamahalaan.
