BAHAGYANG nabawasan ang kalbaryo ng mga manggagawa sa Metro Manila matapos ihayag ng Department of Labor and Employment ang karagdagang P85 sa arawang ganansya sa kabisera.
Sa dinaluhang pananghalian sa lungsod ng Malabon, ibinida ni Labor Secretary Francis Tolentino ang aniya’y pinakamalaking umento sa mga obrero sa National Capital Region (NCR).
Sa pagtataya ng DOLE, hindi bababa sa 1.1-milyong manggagawa ang saklaw ng Wage Order No. NCR-27. Sa ilalim ng naturang kautusan, hahatiin sa dalawa ang pagpapatupad ng dagdag-sahod.
Para sa unang bugso, P60 kada araw na dagdag-sahod. Itinakda naman sa Enero ng susunod na taon ang pagbibigay ng P25 na umento.
Sa sandaling ganap na maipatupad, papalo na sa P780 (mula sa umiiral na P695 kada araw) ang arawang sahod ng mga manggagawa sa non-agricultural sector.
Papalo naman sa P743 kada araw ang ganansya ng mga manggagawa sa agrikultura, retail at service establishments na may 15 o mas kaunti pa ang empleyado, at manufacturing establishments na wala pang 10 empleyado.
Sa kabuuan, inaasahan makakatanggap ang mga non-agricultural workers sa Metro Manila ng humigit-kumulang P17,204.63 kada buwan (para sa mga limang araw nagtatrabaho kada linggo), at P20,631.79 buwanang sweldo (para sa anim na araw na trabaho kada linggo).
