SA LOOB ng susunod na 24 oras, posibleng maging ganap na bagyo ang low-pressure area na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Batay sa pinakahuling monitoring ng Pagasa, namataan ang LPA sa layong 390 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar. Inaasahan naman makakaranas ng pag-ulan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas, at hilagang bahagi ng Caraga.
Ayon sa state weather bureau, dumaan ang LPA sa Visayas at Southern Luzon noong Lunes at kikilos patungo sa West Philippine Sea ngayong Martes, Hunyo 30.
Habang kumikilos, inaasahan din palalakasin nito ang southwest monsoon o Habagat.
Babala ng ahensya, makakaranas ng maulan hanggang sa paminsan-minsang malalakas na pag-ulan ang Bicolandia, Mimaropa, Eastern Visayas, bahagi ng Caraga, Central Luzon, Calabarzon, nalalabing bahagi ng Visayas, at kanluran at hilagang bahagi ng Mindanao.
Inaasahan ding magpapatuloy ang mga pag-ulan sa Mimaropa sa Miyerkules, Hulyo 1, at Huwebes, Hulyo 2, dahil sa patuloy na epekto ng Habagat.
Samantala, makakaranas din ng maulang panahon ang Metro Manila mula Martes hanggang Biyernes bunsod ng pinagsamang epekto ng LPA at Habagat.
Sa sandaling tuluyang lumakas ang LPA, tatawagin bagyong henry ang tropical depression.
