ISANG hayagang panghahamak sa pagkatao ng mga obrero ang P85 daily wage hike na inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE), ayon sa militanteng Bukluran ng mga Manggagawang Pilipino (BMP).
Sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel, tinawag ni BMP Chairman Leody de Guzman ang dagdag-sahod na isang malaking insulto sa sektor ng mga manggagawa, kasabay ng giit na barya lang ang ibinigay na umento kumpara sa kita ng mga kapitalista.
Ang masaklap aniya, ginawa pang installment ang wage increase — “Maliit at insulto dahil hinati pa yung pagbibigay. Malayo din yan doon sa hinihingi namin na sahod,” wika ni De Guzman.
Kinuwestiyon din ng lider-manggagawa ang kabiguan ng pamahalaan magpatupad ng “living wage.”
“Sana ang pag-isipan ay yung pangangailangan talaga ng mga manggagawa. Dahil bakit laging minimum? Samantalang ang pagtatrabaho naman nila sa mga manggagawa ay laging maximum.”
