PARA kay Senador Raffy Tulfo, napapanahon na para amyendahan ang Republic Act 9344 na mas kilala sa tawag na Juvenile Justice Welfare Act.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Women and Children, iminungkahi ni Tulfo ang paglalaan ng sapat na pananalapi para makapag patayo ng bukod na pasilidad na magsisilbing kanlungan ng mga menor de edad na napatunayang guilty sa mga kasong pasok sa kategorya ng heinous crime.
Ayon kay Tulfo, hindi sapat ilagak sa mga Bahay Pag-Asa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga tinaguriang “child in conflict with the law.”
Aniya, madalas bine-baby lamang umano sa Bahay Pag-Asa ang mga “minor offenders” habang isinasailalim sa “intervention and rehabilitation” bilang kabayaran sa pagkakasala.
Gayunpaman, hindi rin naman aniya dapat isama ang mga kabataan sa piitan ng mga pusakal.
“Naniniwala ako na hindi sila dapat ihalo sa hardened criminals. Everybody believes that. Pero hindi rin dapat mawala ang mensahe na ang bawat aksyon ay may consequence,” sabi ni Tulfo.
“Hindi yung nakikita ng mga bata na, ‘Ah, kapag ako ay nag-commit ng crime, pupunta ako sa Bahay Pag-Asa, at pagdating doon, magba-basketball kami, may pingpong… kumakain sila sama-sama, nagtatawanan,” dagdag pa niya.
“Pagdating sa gabi, nandoon sila sama-sama sa isang kwarto, mag uusap-usap. Saan dito yung takot na maipapakita sa mga bata? They will think it’s excursion, camping. Dapat papakita natin na merong katapat na parusa ang bawat gagawin niyong kasalanan.”
