PINAMUNUAN ng Clergy for Good Governance ang pagdaraos ng tinawag na “Mass for Truth, Justice and Accountability” na naglalayon patatagin ang paninindigan ng mga mga miyembro ng House prosecution panel para sa katarungan at pananagutang hanap ng sambayanan sa nalalapit na Senate impeachment trial.
Ganap na alas-9:00 ng umaga nang isinagawa ang misa sa the Chapel of the Nativity of the Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, kung saan ipinamalas ang pakikiisa ng church clergy sa panig ng tagausig.
Si Fr. Bong Sarabia, CM, ang nagsilbing main celebrant; habang si Msgr. Mel David ng Parañaque ang nagbigay ng homiliya. Kasama rin nila sina Priest-complainants Fr. Flavie Villanueva, SVD; Fr. Bong Sarabia, CM; Fr. Robert Reyes; Fr. Joel Saballa; at naging concelebrators din sina Fr. Niño Etulle, SCJ; Fr. Choi Gliponeo; Fr. Raul “Puti” Enriquez; at Fr. Manoling Francisco, SJ.
Dumalo ang anim na public prosecutors sa pangunguna ni House Lead Prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro; Manila Rep. Joel Chua, ML Partylist Rep. Leila de Lima, Iloilo Rep. Lorenz Defensor, Dinagat Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, at San Juan City Rep. Ysabel Maria “Bel” Zamora.
Kabilang rin sa mga dumalo si Atty. Lorna Kapunan at iba pang private prosecutors.
Sa kanyang homiliya, binansagan ni Msgr. David ang nakatakdang July 6 impeachment trial bilang “a moment of national reckoning.”
“The Filipino people are looking up to July 6 as an opportunity for the whole Filipino people to rise up and walk,” sabi pa ng high ranking clergy.
Inihalimbawa naman niya ang papel ng prosekusyon sa paglilinis ng maruming tubig para lumabas ang nakatagong katotohanan at sa wakas ay makita na ito.
“Hahalukayin ninyo nang sa gayon ang katotohanan ay tuluyang lumabas at makita ng sambayanang Pilipino ang katotohanan,” ani Msgr. David.
“You have to take courage, not from human society, but from God,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Msgr. David na ang responsibilidad ng prosecution panel ay hindi lamang nangangailangan ng legal skill.
“You need wisdom that is not mastered by the knowledge you have, but rather by the guidance of the Holy Spirit,” giit ng Catholic church leader.
Umaasa rin si Msgr. David na sa malinaw at makatotohanang presentasyon ng mga ebidensiya ay makapagbibigay ng hatol ang senator-judges na batay lamang din sa katotohanan.
“In presenting the truth, I do believe many of our senator judges will finally be convinced and vote for the truth,” sambit pa niya.
Samantala, sa kanyang mensahe, humingi ng panalangin sa sambayanan si Luistro para sa nalalapit ang pagsisimula ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.
“Join us as we pray for the conviction of the respondent in this impeachment trial,” anang kongresistang abogado.
Nagpasalamat din si Luistro sa mga pari at tagapanalig sa pag-aalay ng panalangin —“Please walk with us. Please join us. Please be with us until the conclusion of this impeachment trial.”
“Let us pray even for the defense team. Let us pray even for the senator-judges. Let us pray for the entire Philippine nation. It is because we believe that Filipinos deserve better leaders. Filipinos deserve a better nation. Filipinos deserve a better republic.”
