KASABAY ng pakikidalamhati ng buong Kapulungan ng mga Kinatawan sa mga naulila ng biktima ng hit-and-run sa Mandaluyong City, nilinaw ni House Secretary-General Atty. Cheloy Garafil na hindi miyembro ng Kamara ang nakarehistrong may-ari ng naturang sasakyan.
“Lubos na nakikiramay ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa pamilya ng biktimang nasawi sa malagim na aksidente na kinasasangkutan ng isang Toyota Land Cruiser na may nakakabit umanong sticker ng Kamara. Kaisa po kami sa kanilang pagdadalamhati sa napakahirap na panahong ito,” bungad ni Garafil sa isang official statement.
“Batay sa ginawang beripikasyon sa mga rekord ng Land Transportation Office, ang nakarehistrong may-ari nito ay hindi miyembro ng Kamara. Wala rin rekord na nabigyan ang naturang sasakyan ng vehicle pass sa ika-19 at ika-20 Kongreso,” dugtong ni Garafil.
Ayon kay Garafil, patuloy na iniimbestigahan ng mga kinauukulang awtoridad ang insidente upang ganap na bigyang-linaw ang mga pangyayari.
“Nananatiling bukas at tapat ang Kapulungan sa usaping ito. Maglalabas ito ng karagdagang impormasyon sa sandaling may makumpirma pang mahahalagang detalye,” sabi pa ng ranking House official.
