HINDI akalain marahil ng isang pulis-Maynila na may nakamasid na pala habang wiling-wili sa paglalaro ng mobile game sa telepono sa oras ng trabaho.
Ang resulta — isang imbestigasyon ang ipinag-utos ni Manila Police District (MPD) acting director Brig. Gen. Arnold Santiago, base sa video na kumalat sa social media.
Sa isang pahayag, binigyang diin ni Santiago na seryosong paglabag sa alituntunin ng pambansang pulisya ang maling asal ng sariling tauhan. Gayunpaman, nilinaw ng MPD chief na kailangan padaanin sa masusi at patas ng imbestigasyon ang umano’y pagkakamali ng hindi tinukoy na pulis—batay na rin sa kumalat na video.
Sakali aniyang mapatunayan ang paglabag ng pulis-Maynila sa reglamento, regulasyon at pamantayan ng propersyonalismo, agad na sasampahan ng kasong administratibo ang naturang pulis.
Paalala ng heneral sa mga kabaro, manatiling mapagbantay, maagap, at tapat sa sinumpaang tungkulin na maglingkod at protektahan ang publiko sa lahat ng oras.
Iginiit din ng opisyal ang disiplina, propesyonalismo, transparency, integridad sa trabaho.
