PARA kay Atty. Lorna Kapunan, mismong ang mga abogadong bahagi ng Defense panel sa impeachment trial ang nagpahamak kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, partikular na tinukoy ni Kapunan ang kinahinatnan ng paglilitis ng impeachment court sa Article 4 kaugnay ng hayagang pagbabanta ng bise-presidente sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Kapunan, sa pag-marka ng mga abogado bilang ebidensya ng video recording ng online press conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, ay hindi lamang pagkilala sa authenticity ng video, kundi isang pag-amin sa ginawa ng bise-presidente.
“Kagaya noong video on the Vice President, iyong sinabi niyang, ‘I’ve hired an assassin,’ may marking po iyon, Exhibit P-4-10, na ginamit din (ng defense). Ang mga nagsasabi na experts, hindi lang implied admission ito, confession,” anang batikang litigant.
“Pero more ang sasabihin ko diyan, hindi lang admission iyan, confession siya. Anong ibig sabihin noon? Confession na sinabi niya lahat,” dagdag niya.
Ayon kay Kapunan, mayroong sariling video ang kampo ni Duterte subalit ang ginamit nito sa impeachment court ay ang kopya o ebidensya ng prosekusyon.
“Although mayroon silang sariling video, iyong video po namin ang ginamit ng defense, so hindi na nila puwedeng i-question iyong tampered, spliced, artificial intelligence, etc. Admitted na iyan,” giit ng lady lawyer.
“Bakit pa magpo-prove kung impliedly admitted na ng Vice President and the defense that these statements were uttered?,” aniya pa.
Ganito rin ang punto ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, na ang nabanggit na diskarte ng depensa ay nakatulong pa para patatagin ang iprinisintang Article 4 ng prosekusyon.
Anila, hindi na kailangang iharap sa impeachment court ang ilang nakalinyang mga testigo ng prosekusyon.
“Kailangan surgical, kung baga kailangan mong i-trim iyong mga hindi na kailangan at saka well-established na po iyong mga ebidensya. Actually, tumulong pa nga po iyong defense sa pag-confirm noon,” pahabol ni Ortega.
