PINABULAANAN ng ilang kaanak ng mga tinaguriang “missing sabungero” ang pag-atras ng kaso laban kay gaming tycoon Atong Ang kapalit ang malaking halaga bilang areglo.
Personal na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) ang ilan sa mga sinasabing “inareglo” ng abogado ni Atong Ang para itanggi ang pagtanggap ng pera mula sa itinuturong mastermind sa likod ng pagdukot at pagpatay sa hindi bababa sa 100 sabungero.
Bilang patunay nagsumite ng sinumpaang salaysay ang ilan sa mga kaanak ng mga pinaslang na sabungero. Batay sa affidavit, itinanggi ang alegasyong nagpabayad sila kapalit ng pag-atras sa kaso.
“Ano lang po ‘yun, [preliminary investigation] lang po para patunayan namin na wala namang areglo. At the same time, sila lang po ang may gusto ng malaking pera. Walang katotohanan ang areglo-areglo,” ani Ryan Bautista, kapatid ng nawawalang si Michael Bautista.
Kamakailan, nagsampa ng reklamo ang ilang pamilya ng mga missing sabungero matapos igiit na may buwanang padulas umano mula sa kampo ni Ang kapalit ng hindi pagdalo sa mga pagdinig ng husgado.
Iginiit din ni Eloisa Bohol, ina ni Kiel Daniel, isa sa mahigit 30 sabungerong nawala noong 2022, na tuloy pa rin ang laban.
“Hindi kami umatras sa kaso. Wala pa pong nangyayaring hearing kasi ang kaso namin sa Sta. Cruz inilipat sa Quezon City. Tuloy pa rin yung laban ng kaso namin,” aniya.
Nang tanungin naman sina Bautista at Bohol tungkol sa alegasyong sumama umano sila sa isang resort ni Ang, tumanggi na silang sumagot.
