MATAPOS ang paglalahad ng mga testimonya at ebidensya sa reklamong pagbabanta, sunod naman tatalakayin ng Senate impeachment court ang paglabag ni Vice President Sara Duterte sa saligang batas.
Unang pinatawag ng impeachment court ang dalawang dating branch managers ng Land Bank of the Philippines — sina Violeta Constantino at Nenita Camposano.
Si Constantino ang dating manager ng Landbank-Shaw Boulevard (Mandaluyong City) branch, habang si Camposana naman ang nagsilbing tagapamahala ng Landbank DepEd branch noong taong 2022.
Haharap sina Constantino at Camposano sa impeachment trial kaugnay ng Article 1 — culpable violation of the Constitution, graft and corruption at betrayal of public trust — dahil sa umano’y paglustay ni Duterte ng P612.5 milyong confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP), at DepEd sa panahon ng panunungkulan bilang Kalihim.
Sa naturang halaga, P500 milyon ay ni-release sa OVP habang P112.5 milyon naman sa DepEd.
Kapwa inisyuhan ng Final Notice of Disallowance ng Commission on Audit (COA) ang paggastos ni Duterte sa nasabing pondo. Naglabas na rin ng direktiba ang COA sa pangalawang pangulo na ibalik sa gobyerno ang P521 million disallowed spending.
