TINIYAK ng House prosecution panel na magiging simple at mabilis ang paglalatag ng ebidensya sa kasong paglustay ng confidential and intelligence funds (CIF) na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
“So, tulad ng ginawa namin doon sa article ng grave threats na pinaikli namin, pinagsisikapan din naming gawin yun para lalong mas mapabilis ang paglilitis nito,” pahayag ni prosecution counsel and legal spokesperson Benjamin Tolosa Jr. sa isang press conference.
“Pare-pareho tayo ng gusto, ng public, ng impeachment court, kami rin, na matapos itong paglilitis na ito sa mas mabilis na panahon,” dugtong niya.
Una nang nagbigay ng 30 trial days ang Senate impeachment court sa prosekusyon para iprinsinta ang mga ebidensya at testigo sa Article 1.
Bilang pambungad, tatlong testigo ng prosekusyon ang pina subpoena ng korte, kabilang sina former Land Bank branch managers Violeta Constantino at Nenita Camposano para magbigay liwanag sa bank withdrawals ng inuusisang confidential funds.
Susunod na isasalang sa witness stand si Marivic Pareja, isang opisyal ng House of Representatives, para naman sa authentication ng transcripts at video recordings mula sa congressional hearings na isinagawa kaugnay ng nasabing pondo.
Bukod sa tatlo, sinabi ni Tolosa na mayroong pang ibang prosecution witnesses ang kanilang inihahanda subalit tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye.
