NAKATAKDANG rebisahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) mga petisyon para sa dagdag-pasahe sa mga pampublikong transportasyon.
Bilang panimula, magsasagawa na rin ng konsultasyon ang nasabing ahensya sa hanay ng mga operator at drayber ng mga public utility vehicles (PUV), bunsod na rin ng bigtime oil price hike noong Martes.
Una nang nagsagawa ng tigil pasada ang mga tsuper na miyembro ng grupong Manibela bilang protesta sa patuloy na pagtaas sa presyo ng krudo at iba pang pangunahing bilihin sa merkado.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez, masusing pag-aaralan ng gobyerno ang hirit na dagdag-pasahe ng mga transport groups.
Gayunpaman, nilinaw ni Lopez na kailangan din timbangin ang kapakanan ng mga pasaherong apektado ng dagdag-singil sa pamasahe.
Kabilang rin aniya sa pangunahing isinasaalang-alang ng pamahalaan ang epekto ng fare increase sa inflation.
