PARA mapawi ang agam-agam ng mga konsyumer sa paraan ng pagkukwenta sa buwanang sinisingil, higit na angkop buksan sa publiko ng Manila Electric Company (Meralco) ang kita ng kumpanya mula sa tinaguriang “systems losses.” 

Gayunpaman, bantulot ang Meralco ilabas ang financial records ng dambuhalang kumpanyang kontrolado ng business tycoon na si Manny V. Pangilinan.

Sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado, partikular na sinisilip ng mga mambabatas ang kita ng Meralco mula sa distribution business — gayundin ang kabuuang kita ng kumpanya sa anyo ng “systems losses” na sinisingil sa mga konsyumer.

Una nang nanawagan ang mga progresibong mambabatas sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso na maglunsad ng congressional inquiry para mahimay ang iba’t-ibang anyo ng “charges” na sinisingil ng Meralco sa mga pangkaraniwang pamilya, gayundin sa mga maliliit na negosyo.

Hamon ni energy regulation expert Atty. Lester Ople sa Meralco, buksan ang financial records at ilahad kung magkano ang aktwal na kinikita ng kompanya mula sa pangunahing distribution business.

Para kay Ople, hindi kapani-paniwala ang pahayag ni Pangilinan — na malulugi ang Meralco at iba pang distribution utility companies sa sandaling akuin ng kumpanya ang system loss charges.

Giit pa ng energy regulation expert, hindi angkop na pagsama-samahin sa financial disclosure ang distribution, power generation at retail electricity supply businesses.

“How can we trust Meralco’s statement if they only report consolidated income instead of segregating their income by specific business activities?” patutsada ni Ople.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *