PARA kay Senador Mark Villar, hindi katanggap-tanggap na gipitin, hiyain at higit lalo ‘ikulong’ sa pagamutan ang mga pasyenteng kulang ang pambayad.

Sa isang kalatas, partikular na isinusulong ni Villar ang amyenda sa Republic Act 9439 (Anti-Hospital Detention Law) sa bisa ng Senate Bill 1511 (Enhanced Anti Hospital Detention Act) na naglalayong magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga ospital at medical clinics na pumipigil sa paglabas ng mga pasyente at kanilang mga kapamilya dahil hindi pa bayad ang hospital bills.

“Ang ospital ay dapat magpagaling, hindi mang-hostage ng pasyente,” wika ni Villar, kasabay ng pahayag ng suporta sa SB 1511.

Aniya, hindi na dapat dagdagan pa ang paghihirap at kahihiyang dinaranas ng mga pamilyang Pilipino sa gitna ng kinakaharap na suliranin sa pananalapi at “psychological stress” sa pagkakaratay sa ospital.

“Hindi dapat maging kulungan ang mga ospital at clinic para sa ating mga kababayang hindi agad makabayad ng hospital bills. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, mas papatawan ng mabigat na parusa ang mga pasilidad na iligal na nagde-detain ng mga pasyente, sanggol, o maging ng labi ng ating mga kababayan,” diin ni Villar.

Target ng nasabing panukala palawakin ang proteksyon upang masaklaw hindi lamang ang mga pasyente, kundi pati ang mga kamag-anak, kinatawan, at tagapag-alaga. Pasok din sa mas pinalawak na proteksyon ang mga bagong silang na sanggol na maaaring hindi ipalabas ng ospital, gayundin ang labi ng mga pumanaw na pasyente na hindi pa lubusang nababayaran ng kanilang pamilya ang mga gastusin sa ospital.

Ipinagbabawal din nito ang tinatawag na “palit-ulo” scheme, kung saan pinipilit ang isang kamag-anak, tagapag-alaga, o ibang tao na manatili sa ospital bilang kondisyon sa pagpapalabas ng pasyente. Inilarawan ni Villar ang gawaing ito bilang hindi makatao at nakalalapastangan sa dignidad, lalo na para sa mahihirap at bulnerableng pamilyang nahaharap na sa karamdaman, pagkawala ng mahal sa buhay, at lumalaking gastusing medikal.

Sa ilalim din ng panukala, ang mga opisyal o empleyado ng ospital na mapapatunayan responsable sa ilegal na pagpigil ay maaaring pag multahin ng hanggang ₱300,000 o makulong ng hanggang dalawang taon at apat na buwan. Samantala, ang mga hospital director o opisyal na nagpapatupad ng polisiya ng ilegal na hospital detention ay maaaring pagmultahin ng ₱500,000 hanggang ₱1 milyon at makulong ng apat hanggang anim na taon.

Maaari ring bawiin ang lisensya ng ospital kapag nakapagtala ito ng tatlong paglabag na ginawa alinsunod sa naturang polisiya.

Gayunpaman, nilinaw ni Villar na hindi binubura ng panukala ang lehitimong pagkakautang sa ospital at hindi rin pinagbabawalan ang mga medical facility na maningil sa mga may utang. Sa halip, inaatasan ang mga ospital na gumamit ng legal at makataong paraan ng paniningil.

Maaaring pahintulutan ang mga pasyenteng walang kakayahang magbayad na lumagda sa promissory note na sinusuportahan ng mga garantiya o kasunduang kinikilala ng batas. Maaari ring humingi ang mga kwalipikadong pasyente ng guarantee letter mula sa mga kinauukulan ahensya ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Villar na bagamat kailangang manatiling matatag ang kalagayang pinansyal ng mga ospital, hindi dapat isakripisyo ang kalayaan, dignidad, at karapatan ng isang tao sa makataong pagtrato para lamang makasingil ng bayarin.

“Hindi makatarungan ang ganitong sistema. Patuloy tayong lalaban para sa makataong serbisyong para sa bawat Pilipino!” pagtatapos ni Villar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *